Window Cleaning Rules Ipapatupad na sa HK
Apples Jalandoni, ABS-CBN News
HONG KONG – Ipatutupad na sa Enero 2017 ng gobyerno ng Hong Kong at Pilipinas ang bagong “window-cleaning rules” matapos na maitala na may ilang mga nahuhulog sa gusali dahil sa paglilinis ng bintana.
Buwan ng Agosto nang magulantang ang Filipino community sa Hong Kong sa pagkamatay ng isang 35-anyos na household service worker matapos na mahulog mula sa gusaling tinitirahan ng kanyang employer.
Naglilinis siya ng bintana nang ma-aksidente.
Ito ang nag-udyok sa grupo ng stay-in helpers na mag-protesta para matiyak ang kanilang kaligtasan lalo pa’t karamihan sa mga residential building dito ay napakataas.
“Talagang included yan sa kontrata, yung cleaning of windows,” sabi ni Lelita Lastima, isang household service worker sa Hong Kong.
Magandang regalo naman ngayong Pasko para sa mga manggagawa ang nakatakdang pagpapatupad ng bagong “window-cleaning rules” sa Enero 2017.
“Ang Hong Kong government consults all stakeholders…the agencies …the employers especially…this additional provision. They’re willing to print new contracts to protect our workers,” sabi ni Philippine Consul General Bernardita Catalla.
Sa bagong kasunduan ng mga gobyerno ng Pilipinas at Hong Kong, isasama na sa kontrata ang ilang safety provisions gaya ng maaari lamang maglinis ng binatana ng high-rise building ang helper kung meron itong locked grills.
Kamay o braso lang din ang pwedeng ilabas sa bintana.
Tinatayang nasa 203,000 ang mga Pilipinong nasa Hong Kong ngayong. Nasa 187,000 dito ay mga overseas Filipino workers na karamihan ay mga household service workers.
(Source: ABS-CBN.com)