Sa Mga Nasa HK, Huwag nang Lumipat sa Russia

(Napapanahon na para maglabas ng mahigpit na babala sa mga migranteng Pilipino na  nagpupumulit pumunta ng Russia para sa inaakala nilang domestic work. Ito ay sa gitna ng dumaraming bilang ng mga Pilipino doon na walang trabaho, baon sa utang at takot lumantad dahil hindi ayon sa kanilang trabaho ang hawak-hawak na work o commercial visa. 

Bilang patunay sa totoong kalagayan ng mga Pilipino sa Russia ngayon ay sumulat ng isang artikulo para sa The SUN ang isang Pilipina na dating nagtrabaho sa Hong Kong at lumipat sa Russia 6 na taon na ang nakakaraan. 


Bagamat maganda na ang katayuan ni Nelle ngayon kumpara sa mga unang taon niya  sa Russia kung saan napadpad siya sa isang napakalayong lugar, pinatrabaho ng walang humpay at hindi pinahawak ng pera, mahigpit pa rin ang babala niya na huwag nang mag-ambisyon ang ibang mga Pilipina na sumunod sa kanila sa Russia. 


“Marami din po akong pinagdaanan dito kaya masasabi ko na kahit paano mas ok pa rin sa HK. Protektado ang mga OFW.Dala na rin ng kapusukan at ng kagustuhan ng mabilisang asenso kaya gusto ko agad makaalis a Hong Kong noon. Kasi, first timer ako at wala pang experience. Pero ngayon ko na-appreciate na kaya marami din ang nagtatagal sa Hong Kong kasi secure ka nga naman basta marunong ka lang humawak ng pera. Higit sa lahat, ang lapit lang (sa Pilipinas). Hindi mo kailangan ng malaking pera para makauwi. Mura pa ang mga bilihin.”


Si Nelle ay 33 taong gulang, may dalawang anak, nagtapos sa kolehiyo at tubong Cebu. -Ed)


Marami po nag me-message sa akin na mga kakilala dati sa Hong Kong at mga kakilala nila. Nagtatanong sa kalagayan dito. Ito yung katotohanang kailangan nilang malaman na hindi sinasabi ng nag-invite (recruit) sa kanila.

1. Hindi ayon sa visa ang papasukang trabaho dito. Kumbaga, di protektado ang sinumang pupunta rito katulad ng diyan sa Hong Kong kung saan may bilateral agreement sila sa ating bansa tungkol sa pagtanggap ng mga household service worker. May kontrata na naayon sa batas na iyong panghahawakan para maproteksyunan ang iyong karapatan.

    Ang renewal ng visa dito ay pahirapan. Minsan isang taon na walang processing kaya marami ang nagiging undocumented o ilegal. Hindi rin ito libre. Aabot sa USD3500 USD ang renewal ng working visa sa agency. Hindi lahat ng amo ay sinasagot ang visa o ticket mo pauwi.

2. Kung papasok ka ng Russia na ang hawak ay hindi working visa — either commercial or tourist visa lang — hindi ka pwedeng mag work. Hindi dahil ginagawa ng iba ay ok na. Ang commercial o business visa ay kailangan din i-exit pagkatapos ng 3 buwan. Kung hindi mo ito ginawa at nahuli kang lumabag sa batas nila, kulong o deportation ang magiging parusa mo.

3. Hindi lahat ng dumadating dito ay may dadatnan na trabaho. Swerte ka kung may direktang magbibigay sa yo ng work sa kilala nilang amo. Pero karamihan halos 3 buwan natatambay bago makakuha. Lalo na sa mga may edad na at mga lalaki. Karamihan sa mga amo ay mas gusto din ang may tamang dokumento. Marami ding nakapila sa mga agency para makakuha ng trabaho. At minsan dahil sa kagustuhang makakuha ng work ay pumapatol na lang sa mababang offer. Dahil may pumapayag sa maliit na salary binababaan na rin nila ang mga offer. Ibig sabihin, iyong ipinunta mo dito na malaki sanang sahod ay di hindi natutupad, at apektado na yung mga datihang kumikita sa nakasanayang rate. Marami na din ang nag aaway dahil sa sulutan sa trabaho.

4.  Ke may visa o wala hindi ka makakalusot sa mga checking ng police lalo na sa mga pampublikong lugar. Dahil na din sa kagagawan ng ibang kababayang ayaw maantala sa kanilang lakad o kaya ay gustong lusutan ang kakulangan ng dokumento at nagbibigay na lang sa mga parak… ito ay kanila na ding nakanasanayan. Bawat Pilipino na kanilang nasisita ay hinihingan nila ng pera. Hindi naman lahat pero pag natapat nga, malas, lalo pa at pahirapang makipag usap dahil hindi sila nakakaintindi ng English. Pag Immigration Police ang natapatan at paso na ang visa, talagang makukulong ka. Di yun kayang bayaran tulad ng iba.

Kapag nahuli at nadetain: Tumutulong ang Embahada sa mga na detain na kababayan para makalabas, at repatriation assistance naman sa mga nakatakdang i-deport ngunit walang perang pambili ng tiket pauwi sa Pilipinas. Ang “deportation” ay desisyon ng korte na pauwiin ang sinumang lumabag sa batas ng Russia. Hindi ito ang sinasabi ng ilan na solusyong ginagawa ng Embahada sa problema nga mga Pilipino dito. Dahil ang deportation ay magmumula sa Russian government at hindi sa Embahada.

5. “May kamag-anak/kapatid/karelasyon/kadikit ako diyan sa Russia” – Ang tanging advantage lang nyan ay may malalapitan ka o mapuntahan kapag nawalan ka ng trabaho. Pero sa usaping visa at legalidad dito wala silang magagawa at maitutulong sa iyo. Kahit ang Embahada ay di ka matutulungan sa usaping may kinalaman sa visa dahil wala pang kasunduan ang Pilipinas at Russia ukol dito. Batas ng Russia pa rin ang masusunod.

6. “Mag stay-in job na lang ako para safe.” – Hindi lahat ng amo tumatanggap ng undocumented. Ayaw din nilang masabit o ma-involve sa mga usaping legal dahil karamihan ng mga amo dito ay ayaw ding makalkal ang kanilang financial status.

7. “Worth it ba ang gagastusin ko makapunta lang jan?” – Maaring malaki ang sahod dito kumpara diyan pero sigurado ka ba na ok ang dadatnan mo? Kanya-kanya pa rin ang swerte sa amo at trabaho. Kung ipangungutang mo ang pang placement mo at di ka agad makapasok ng work dito, ano ipambabayad mo at ipapadala sa pamilya mo? Kung di sasapat ang visa na naibigay sa iyo at aabutan ka ng expiration dito ng di ka pa tapos sa mga bayarin mo, ano ang gagawin mo?

May mga nakakusap akong nagbigay na daw ng HK$22,000 para sa “invitation” (ng amo). Magkano ang sahod sa HK para makapaglabas ka ng cash na $22,000? Aminin na natin na inutang mo sa bangko ang ibinayad mo kasi sabi ng agent mababawi mo rin pagdating dito. Kabayan, hindi niyo pa alam ang dadatnan ninyo dito. Huwag munang magbilang ng sisiw habang hindi pa pisa ang itlog.

8. “Bakit kayo andyan pa rin kung di naman pala kayo legal diyan?” –  Sa mga nandito na… napasubo na, eh. Need magbayad ng utang, need magpadala sa pamilya. Pag may visa pa at ok ang work, ipon muna. Siyempre nagdadasal din na sana maging ok na ang lagay dito. Sa walang visa… patintero sa mga parak ang bagsak. Tagu-taguan. Same reason lang din. Nandito na eh, napasubo na. May bayarin at may obligasyon.

Ngayon alam mo na na ganito pala gusto mo pa rin magpunta?

(Next: Nelle’s harrowing experiences as a Filipino domestic worker in Russia)

 

(Source: SunWebHK.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker