POLO Tumanggi sa Pananagutan sa Maling OEC ng OFW

Ni Vir B. Lumicao

Isang kasambahay sa Hong Kong ang hindi nakasakay ng eroplano pabalik mula sa Iloilo kamakailan dahil malabo ang impormasyon na naka-imprenta sa kanyang overseas employment certificate (OEC).

Ayon kay Irene G., wala sa tamang lugar sa OEC pagkakaimprenta ng kanyang pangalan, at walang pangalan o lagda ng issuing officer ang dokumento. Dahil doon, hindi nabasa ng scanner ng Cebu Pacific ang OEC kaya hindi siya pinasakay sa flight.

Apat na araw tuloy bago bago ako nakabalik dito sa Hong Kong dahil pumila uli ako sa OEC sa Iloilo tapos bumili ako ng bagong tiket sa Cebu Pacific, sumbong ni Irene sa The SUN.

Mabuti na lang natawagan ko agad ang amo ko at sinabi ko sa kanya ang problema. Kundi ay baka i-terminate niya ako. Pinadalhan din ako ng pera sa kapatid ko para pambili ng bagong tiket, aniya.

Tinanong ni Irene sa The SUN kung maari daw ba niyang singilin sa Philippine Overseas Labor Office o Polo ang Php4,338 na ibinayad niya sa tiket dahil hindi naman niya kagagawan ang kapalpakang nangyari.

Nguni’t nang paratingin ito sa pamunuan ng POLO, sinabi nila na hindi raw dapat nagkaaberya si Irene kung inilapit niya ang problema sa Labor Assistance Counter, o LAC, sa Iloilo airport.

Ayon sa paliwanag nina Assistant Labor Attache Ma. Nena German at Henry Tinaero, ang problemang kagagawan ng printer ng POLO ay naayos sana kung inilapit iyon ni Irene sa LAC, na nakatalaga sa mga paliparan sa Pilipinas upang tumulong sa maayos na pag-alis ng mga OFW.

Ngunit ayon kay Irene, wala ni isang tao sa puwesto ng PAC sa Iloilo Airport noong hindi siya nakasakay sa eroplano dahil malapit nang mag-alas-onse ng gabi.

Wala na akong mahagilap na tao ng LAC at sinabi naman ng mga taga- Cebu Pacific na wala silang magagawa kundi iwanan ako dahil hindi mabasa ng scanner ang OEC ko, sabi ng kasambahay.

Ipinaliwanag ni Tianero na dahil sa dami ng mga kumukuha ng OEC, hindi na sinusuri ng mga tauhan ng POLO ang dokumento paglabas nito sa printer kaya hindi nila napansing mali ang bagsak ng nilimbag nilang patunay.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may na-bump-off na worker dahil sa pagkakamali sa OEC. Kapag may nangyari ulit na ganyan, dapat ay ipakita nila sa LAC para masolusyonan, sinabi naman ni German.

Tatawagan naman daw ng LAC ang POLO para alamin kung talagang nagkamali ito sa pag-isyu ng OEC, sabi ni German.

Nang tanungin ng The SUN kung ano ang pananagutan ng POLO sa nangyari, ang sagot ni German ay:

Wala, hindi naman siya kasi nagpatulong sa LAC. Hindi namin puwedeng i-refund ang gastos niya.

 

(Source: SunWeb.com.hk)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker