Pinay Photographer na Dating DH Nagbigay ng Payo, Inspirasyon

DZMM
Posted at 08/11/2015 6:30 PM

 

MANILA – Nagbigay ng mga payo si Xyza Cruz Bacani sa mga nangangarap maging photographer na katulad niya.

Si Bacani ay ang Pinay domestic helper na umangat ang pangalan dahil sa kaniyang husay sa pagkuha ng litrato kasabay ng protesta sa Hong Kong noong nakalipas na taon.

Sa panayam ng “Sakto” ng DZMM, sinabi ni Bacani na 19-anyos lamang siya nang magtungo Hong Kong para maging domestic helper (DH), sa kagustuhang mapag-aral ang dalawang nakababatang kapatid.

Kasama niya noon sa Hong Kong ang kaniyang ina na nasa kaparehong linya ng trabaho.

Gayunman, hindi aniya mahilig lumabas sa kanilang pinagsisilbihang tahanan ang kaniyang ina kaya naman nilitratuhan ni Bacani ang mga nasisilayan niyang tanawin para makita rin ito ng kaniyang nanay.

“Kumbaga, ‘yun ‘yung way niya para makapasyal kahit hindi nalabas. So siya rin ‘yung biggest critic ko. Siya rin ‘yung dahilan kung bakit kumuha ako ng pictures ‘nung time na ‘yun,” sabi ni Bacani.

Kwento ng dalaga, 2009 nang mag-aral siya ng photography nang mag-isa matapos makabili ng SLR camera gamit ang perang hiniram lamang sa kaniyang amo.

2015-0813 Pinay Photographer na Dating DH Nagbigay ng Payo, Inspirasyon

Xyza Bacani, 28, poses next to her photograph during her photo exhibition in Macau.

Banggit ni Bacani, pagkuha ng black and white photos ang kaniyang forte dahil bukod sa hindi siya makakikilala ng ibang kulay, classic din ang estilong ito.

Nagkataon namang inilagay niya sa social networking site na Facebook ang ilang kuha at doon siya nadiskubre ng award-winning documentary photographer na si Rick Rocamora.

Sa ngayon, nabigyan siya ng scholarship at anim na buwang nakapag-aral ng photography sa New York.

Bilang freelancer, may tinatapos pang proyekto sa New York si Bacani at pauwi na ng Pilipinas habang may nakalinya pang mga trabaho sa ibang bansa.

Disiplina naman ang pangunahing aral niya sa buhay.

“Kung gusto mong may mangyari sa buhay mo, kailangan mo ng disiplina kasi maraming magaling. Lahat tayo may kaniya-kaniyang talentong binigay. Ang magagawa lang natin is work harder at magkaroon ng disiplina para makamit kung ano man ‘yung gusto natin,” sambit niya.

Makakatulong din aniya ang social media basta gagamitin sa magandang paraaan.

Para naman sa mga may nagtatrabaho sa ibang bansa at malayo sa kanilang pamilya, dapat aniyang maging matatag ang loob.

“Be your own hero. Kasi sa dami ng nakita kong pag-abuso sa mga migrante, ang napapansin ko talaga kasi nakakalimutan nila ‘yung mga sarili nila. Para sa akin kung may gusto kang gawin sa buhay mo, kung gusto mong sumayaw, gusto mong kumanta, kung gusto mong maging photographer, gawin mo para sa sarili mo. Be your own hero… ‘Wag hayaan ang ibang tao na apakan ka,” sambit ni Bacani.

 

 

(Source: ABS-CBNnews.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker