Pinay na Tumakas sa Amo, Nakauwi na sa Pilipinas

MANILA – Nakauwi na ang isang minaltratong Pilipinang domestic helper mula sa Kuwait, halos isang buwan matapos na manawagan ng tulong ang kaanak niya sa programa ng DZMM na Lingkod Kapamilya.

“Maraming salamat sa tulong ninyo,” sabi ni Suela de Honor Villanueva nang kapanayamin sa DZMM Biyernes ng umaga.

Ayon kay Villanueva, maayos siyang nakabalik ng Pilipinas noong Pebrero a-4 sa tulong na din ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Hindi naging madali ang pagpapauwi kay Villanueva na ipina-blotter pa umano ng kanyang amo sa kasong absconding.

Kinailangang tumakas ni Villanueva at isa pang Pinay mula sa kanilang employer dahil sa umano’y pangaabuso ng kanilang amo. 

Pero sa airport, hinuli sila ng pulisya at ikinulong ng 11 araw. Pagkatapos ay dinala na sila sa isang shelter at nanatili doon ng apat na araw pa bago tuluyang lumipad pauwi ng Pilipinas.

Ang kaso ni Villanueva ay idinulog ng kanyang pinsang si Domingo Mabag sa Lingkod Kapamilya noong buwan ng Enero.

“Nagpapasalamat po ako na nakarating ang pinsan ko ng maayos. Maraming pinagdaanan, pero sa awa ng Diyos, nakarating ng maayos,” sabi ni Mabag.

Si Villanueva, isang single mother, ay kasalukuyang nasa kanilang probinsiya sa Roxas City.

 

(Source: ABS-CBN.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker