OFWs sa Singapore, Todo Ingat vs Zika Virus
By Bombo Vigan Posted in Top Stories Wednesday, 31 August 2016 17:06
VIGAN CITY – Naaalarma na ang maraming Pinoy workers sa Singapore kaugnay ng outbreak doon ng Zika virus.
Ayon kay Elma Reyes na taga-San Vicente, Ilocos Sur, ngunit nagtatrabaho sa Singapore, nakasara lahat ang kanilang mga bintana at sinisiguro nilang walang makakapasok na lamok sa kanilang bahay.
Idinagdag pa ni Reyes na araw-araw ang pagpa-fogging upang maitaboy ang mga lamok sa paligid.
Ayon naman kay Lea Mae Talania Castillo, taga-Vigan City na ngayon ay nagtratrabaho bilang assistant manager ng isang malaking department store sa Singapore, tuwing pumapasok sa trabaho ay naka-jacket sila para makaiwas sa kagat ng lamok.
Ito aniya ay kahit karamihan naman ay mga Bangaldeshi ang mga nagpositibo ng virus.
Gumagamit na rin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Singapore ng mga lotion kontra lamok at mga mosquito patch maliban pa sa pagsuot ng mga mahahabang damit.
Kung maaalala, ilang mga bansa na ang naglabas ng travel warning laban Singapore dahil sa outbreak ng Zika at batay sa ulat, umaabot na sa 82 ang kaso ng naturang virus doon.
(Source: BomboRadyo.com)