Nakakaawa Kalagayan ng mga DH sa Phl Embassy sa Kuwait – OFW
By Bombo Radyo La Union
LA UNION – Hindi napigilan ng Filipina worker na unang nailigtas mula sa pagmamalupit ng mga naging amo ang magkwento sa Bombo Radyo tungkol sa kalagayan ng maraming kapwa niya domestic helpers.
Ang mga ito ay nakaranas din ng harrassment na ngayon ay nasa pangangalaga ng embahada ng Pilipinas sa bansang Kuwait.
Ayon kay Gina Calica ng Bauang, La Union, hindi niya akalain na napakaraming kababayan na aabot umano sa mahigit 300 ang bilang ng mga ito ang nasa loob ng shelter ng embahada na naghihintay pa ring maisaayos ang mga dokumento para makauwi sa kani-kanilang tahanan.
Halos araw-araw aniya ay may dumarating na overseas Filipino worker sa embahada na nabiktima nang pagmamaltrato mula sa mga employers.
Sinabi pa ni Calica, pinagbawalan din sila gumamit ng cellphone sa loob ng embahada upang hindi mailantad ang tunay na kalagayan ng mga OFW na nasa loob ng shelter.
Samantala, umaasa ang naturang Filipina worker na agad din silang tutulungan ng pamahalaan.
Ang iba naman sa mga kababayan ay nais na ring makabalik ng Pilipinas.
Si Calica ay ibinenta ng dati niyang amo sa ibang employer at nakaranas din ng pagmamalupit sa mga ito.
(Source: BomboRadyo.com)