Minamaltratong Domestic Helper sa Riyadh, Di Makauwi ng Pinas
MAYNILA – Labis-labis ang pag-aalala ni Melvin Bañas sa kanyang misis na umano’y subsob na sa trabaho bilang domestic helper sa Riyadh ay hindi pa pinakain nang maayos.
“Dumudugo na po ang ilong niya, give up na siya,” ani Bañas. “Minsan di na siya makalakad, may pigsa, ‘yung bibig namamaga… ‘Yung tulog niya alanganin, isa’t kalahating oras lang daw.”
Pero imbes na sa salon mapunta, gaya ng inilagay ng ahensiya sa papeles, naging domestic helper sa Riyadh si Gina, na ayon sa mister ay marami palang karamdaman tulad ng high blood.
Dagdag pa ni Bañas, dalawang katulong ang pinalitan ng kanyang misis na ngayon ay bumubuno sa pagiging yaya ng 4 batang anak ng amo, gayundin sa pagbuno sa halos lahat ng gawaing bahay.
Tiniis muna ni Gina ang hirap sa trabaho pero nitong Hunyo lang, tumawag na ito sa mister para humungi ng tulong na makauwi sa Pilipinas.
“Kahit may sakit daw siya ano pa rin siya sa mga bata, nakatutok,” dagdag pa ni Bañas.
Sinubukan umano niya na magpatulong sa ahensiya at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para makauwi agad ang kanyang misis pero parehong “to follow” ang sagot sa kanya doon.
Inilapit ng DZMM sa OWWA ang reklamo at nangako naman ang direktor nitong si Josephine Tobia na aaksiyunan ang problema sa lalong madaling panahon.
Ani Tobia, aalamin din ng OWWA kung bakit may delay sa pagpapauwi sa OFW gayung nakontak naman na ang ahensiyang dapat sana’y nakatutok sa kondisyon ng Pinay.
(Source: ABS-CBN.com)