Libu-libong Trabaho, Naghihintay sa mga Pinoy sa Kuwait
Sa sandaling maayos na ang mga bagong patakaran sa pagpapadala ng mga overseas Filipino worker, lalo na sa mga household service worker o domestic helper, tinatayang mahigit 3,000 OFWs ang makaaalis na patungong Kuwait.
Ang pagpapadala muli ng mga OFW sa Kuwait ay inaabangan matapos tuluyang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin na ang deployment ban na ipinatupad nitong nakaraang Pebrero.
Ipinatupad ni Duterte ang deployment ban kasunod ng mga insidente ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga OFW sa Kuwait, partikular sa mga domestic helper.
Pero nitong nakaraang linggo, inaprubahan ng mga kinatawan ng Pilipinas at Kuwait ang kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga OFW.
Sa panayam ng GMA News TV “QRT” nitong Huwebes, sinabi Bernard Olalia, administrator ng Philippine Overseas Employment Administration, na gagawa sila ng panuntunan na ibibigay sa mga local recruitment agency para matiyak na maipapatupad ang laman ng pinirmahang kasunduan.
“Maglalabas po ng maliwanag na alituntunan o mga guidelines ang POEA patungkol po sa bagong labor agreement nga ng Kuwaiti at Philippine government. At ibibigay po natin ito para sa ganun mai-implement yung mga napapaloob doon sa napagkasunduan,” sabi ng opisyal.
Sa hiwalay na ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras,” sinabi ni Olalia na mahalaga na maipaliwanag sa mga local recruitment agency ang kanilang papel para maipatupad ang kasunduan.
“Napakaimportanteng makausap at maipaliwanag natin nang mabuti sa mga participating local licensed recruitment agencies dito sa Philippines ‘yun new provisions ng labor agreement dahil sila po ang kasama nating mag-i-implement nito,” sabi ng opisyal.
Ayon kay Olalia, nang ipatupad ang ban, may mahigit 2,600 job orders para sa domestic helpers at mahigit 800 job orders para sa mga skilled at semi-skilled worker ang hindi nabigyan ng OEC o overseas employment certificate.
Sabi ni Olilia, sa sandaling maayos na ang lahat, mabibigyan na sila ng OEC at makakaalis na patungong Kuwait.
Gayunman, sa ngayon hindi pa raw tumatanggap ng mga aplikante sa Kuwait ang mga recruitment agency dahil hinihintay pa ang abiso mula sa POEA o Department of Labor.
Ayon sa ulat, tinatayang 70,000 job order o bakanteng trabaho ang mayroon sa Kuwait na maaaring aplayan ng mga Pinoy kapag pinayagan na ang pagpapadala ng mga OFW sa naturang bansa.
“Kahit noong ban, maraming nag-a-apply sa Kuwait ang mga agency lang ang tumatanggi kasi nga may ban. Bawal ‘yun sa amin,” sabi ni Estrelita Hizon, presidente ng United Placeman Philippines Inc.
Sinabi naman ni Amanda Lalic-Araneta, dating presidente ng Philippine Licensed Agencies Accredited to Kuwait, na sadyang mga Pinoy ang pangunahing hinahanap sa Kuwait.
“Talagang number one nilang gusto. Actually status symbol din nila ‘pag Pilipino ‘yung kanilang housemate. Ibig sabihin meron silang sinasabi kasi pinakamataas ang suweldo ng mga Pilipino doon na katulong,” pahayag niya.
Sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, kumbinsido na si Pangulong Duterte na mapapangalagaan na ngayon ang kapakanan ng OFWs sa Kuwait kasunod ng napirmahang kasunduan kaya pumayag na siyang alisin na ang deployment ban.
Kabilang sa ipagbabawal sa amo ng OFW ang pagkuha ng passport ng kanilang empleyado, at dapat payagan silang gumamit ng cellphone at social media.
Hindi rin dapat pagtrabahuhin sa ibang bahay o ipahiram ang mga empleyado sa kaibigan o ibang miyembro ng pamilya, at dapat may sapat na pahinga ang mga kasambahay. — FRJ, GMA News