Libo-libong Trabaho sa Europa Naghihintay sa mga Pinoy, Pero…

 

 

Libo-libong trabaho sa Europa ang naghihintay sa mga Pilipinong nangangarap maghanapbuhay sa ibang bansa, ayon sa ilang grupo.

Sabi ng Philippine Association of Service Exporters, Inc. (PASEI) at research group na Lilac Center for Public Interest, European employers pa ang naghahanap ng paraan para mapapunta ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang bansa.

Iyon nga lang, wala pang bilateral agreement at labor offices ang Pilipinas sa ilang bansa sa Europa na gusto sanang kumuha ng mga manggagawang Pinoy.

“Sana po mag-assign ng mga POLO (Philippine Overseas Labor Office) officers, labor officers in these countries. Right now in Czech Republic, this is being done in the consulate. The same with Poland. Hindi nila kaya iyan,” ani PASEI president Elsie Villa.

Sa pagbisita ng grupo sa Czech Republic, Poland, Germany at Austria, lumabas na malaki ang oportunidad para sa mga Pinoy doon.

Nakapagpapadala naman daw sa ngayon ng mangilan-ilang overseas Filipino worker (OFW) ang mga local recruitment agency pero matagal ang proseso.

Kung mayroon kasing bilateral agreement sa mga naturang bansa sa Europa, maitatakda ang mga karapatan at benepisyo ng mga OFW.

Nangangailangan ang Poland ng mga banyagang manggagawa sa industriya ng manufacturing, agriculture, construction, information technology, banking, health at service gaya ng mga hotel at restaurant.

“In Poland, madami talaga ang shortage [sa manpower]. Mga around 100,000 or more [ang kakulangan],” ani Nicon Fameronag, presidente ng Lilac Center for Public Interest.

Health workers ang “in demand” sa Germany at Austria habang manufacturing naman sa Czech Republic.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pinag-uusapan na ang pagbubukas ng mga dagdag na labor office pero uunahin muna ang mga bansang maraming Pinoy.

Mas mahalaga aniyang unahin ang mga bilateral agreement.

“‘Yong pagpu-put up ng bilateral agreement, okay naman ‘yon. Madali lang iyon. It can be done as soon as possible,” ani Bello.

Binabalaan naman ang mga OFW na huwag pumatol sa mga third-country recruitment scheme.

Ayon sa nakalap na ulat ng Lilac Center, target ng mga illegal recruiter ang mga OFW sa Taiwan at Malaysia dahil hindi nila kailangang dumaan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Bukod sa sisingilin ng hanggang kalahating milyon, madalas ay wala ring totoong trabahong naghihintay sa mga biktima.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

 

(Source: abs-cbn.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker