Lalaking Nangako Raw ng Trabaho sa Abroad na may P100k Sahod Kada Buwan, Arestado
Huli sa entrapment operation ang isang umano’y illegal recruiter na pinangakuan ng halos P100,000 buwanang suweldo sa barko ang kaniyang mga biktima. Ang suspek, itinanggi naman ang paratang.
https://youtu.be/R4E2UjNiroQ
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV “Balita Pilipinas” nitong Lunes, sinabi ng isa sa mga biktima na itinago sa pangalang “Ging,” na trabaho sa barko bilang housekeeper ang sinabi sa kaniya ng suspek na si Peter Thomas Carpio na may buwanang sahod na $2,000.
Maliban pa sa buwanang sahod, may matatanggap daw silang katumbas ng isang buwan na sahod na maibibigay para sa kanilang pamilya bago sila umalis.
Ang ganitong pangako rin ang nakahikayat kay Alrose Marcos pero nagduda daw siya nang walang maipakitang identification card si Carpio at ang sinasabi nitong agency.
“Sa barko raw po kami, $100 thousand po yung sahod tapos iba pa raw yung tip na $300 thousand dollar daw mas malaki pa sa sahod. tapos yung barko na sasakyan namin 18th floor,” kuwento ng biktima.
Bagamat nakapagbigay na umano si Marcos ng halos P3,000 na pang-ayos daw sa kaniyang requirements, muli raw humingi sa kaniya ng pera ang suspek kaya dumulog na siya sa mga pulis.
Nang makipagkita siya sa suspek para hininging dagdag na pera, doon na siya inaresto ng mga awtoridad.
Sa presinto, itinanggi ng suspek na illegal recruiter siya at sasabihin daw niya ang kaniyang buong panig kapag nagkaroon na siya ng abogado.
Samantala, may mga nakuha pa umano ang mga pulis kay Carpio na mga dokumento mula sa ibang tao.
Hinikayat ng mga awtoridad ang iba pang posibleng nabiktima ng suspek na makipag-ugnayan sa kanil sa Sta. Mesa police station sa numerong 715-41-24. — FRJ, GMA News
(Source: GMAnetwork.com)