Labi ng OFW Mula Abu Dhabi, Naiuwi Na
Alex Calda, DZMM
Naiuwi na sa bansa ang labi ng overseas Filipino worker na si Jennifer Arce na namatay sa Abu Dhabi noong Enero 1, 2017.
Pero nais ng kapatid ni Jennifer na si Joey Arce na ipa-autopsy ulit ng National Bureau of Investigation ang labi nito para malaman ang tunay na ikinamatay ng kapatid.
Sa report ng Abu Dhabi authorities, nagpakamatay umano si Jennifer sa pamamagitan ng pagtalon sa rooftop ng tinutuluyang bahay.
Pero duda si Joey dito dahil may pitong saksak sa katawan ang kapatid.
Hinala nya, may kinalaman sa pagkamatay ni Jennifer ang Egyptian boyfriend nito.
Nakitulog anya ito sa bahay ni Jennifer mula Disyembre a-30 hanggang Enereo a-1 at sa pagitan ng alas-4 hanggang alas-7 ng umaga nakita ang bangkay nito.
Nakakulong ngayon ang Egyptian boyfriend sa kasong immorality. Pero inaalam na ng pamilya Arce kung may habol pa sila para kasuhan ito ng murder.
Samantala, humihingi din ng tulong ang pamilya Arce mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na konsiderahin ang naging kontribusyon nito sa ahensiya para mabigyan ng tulong.
Inamin ni Joey na hindi updated ang membership ni Jennifer sa OWWA kaya wala itong matatanggap na tulong pinansiyal mula sa ahensiya.
Una nang sinagot ng OWWA ang gastusin para maiuwi ang labi ng OFW. Wala rin anya silang natanggap na tulong mula sa employer ni Jennifer na optical shop dahil paso na ang kontrata nito noon pang Oktubre ng nakaraang taon.
Dinala na sa Holy Trinity Funeral Homes sa Sucat, Parañaque ang mga labi ni Jennifer.
Ike-cremate ito matapos ang limang araw at dadalhin ang abo sa Vigan, Ilocos Sur.
(Source: ABS-CBN.com)