DFA nagdagdag kawani para sa pag-proseso ng passport backlog

 

MAYNILA— Nagdagdag ng kawani ang Department of Foreign Affairs (DFA) para mapabilis ang pagproseso ng mga aplikasyon para sa pasaporte, ayon sa isang opisyal Biyernes. 

Ayon kay DFA Undersecretary Brigido Dulay, umabot sa 26,000 passport applications ang kanilang backlog pero napababa na ito sa 17,000 sa kabila ng pandemyang dulot ng COVID-19.

“Ito ‘yung may mga error, may mali sa kanilang mga application nung sila ay nag-encode nung kanilang passport application, may mga encoding errors na nangyari,” sabi ni Dulay.

Sa panayam sa TeleRadyo Biyernes ng umaga, sinabi ni Dulay na isa-isang itinatama ng kanilang consular team ang mga encoding errors at kinukumpirma pa ito sa mga isinumiteng mga dokumento ng mga aplikante tulad ng birth certificate para matiyak na walang mali bago mai-print.

Sabi pa ni Dulay, inaasahang mas bibilis na ang proseso sa mga darating na linggo. 

“Inaasahan namin na sa mga susunod na linggo mas mapapabilis itong pag-proseso manually nitong mga encoding errors na ito,” sabi niya.

Umaabot lamang sa 12 araw ang normal na pagpoproseso ng pasaporte at ito pa rin ang karanasan aniya ng maraming aplikante.

Limitado rin aniya ang bilang ng mga aplikanteng kanilang pwedeng tanggapin sa gitna ng umiiral na pandemya.

“Hanggang dito lang ang pwede nating tanggapin kasi ‘yun lang ang sumasang-ayon sa protocol kaya talagang maraming gustong makakakuha, ang hirap makakuha ng appointment kasi limitado kami sa dami ng pwede naming papasukin,” sabi niya.

Bago aniya mag-pandemya, kayang serbisyohan ng kanilang Consular Office ang 16,000 na aplikante araw-araw.

“Mula nang magpandemya, bumagsak to 7,000 plus because of itong rule ng venue capacity. ‘Yun ang rason kung bakit tumatagal makakuha ng slots at maghihintay talaga sila,” sabi niya.

Kasama rin sa kanilang limitasyon ang mga kawani na nagpopositibo at nae-expose sa COVID-19. Katunayan, isinara pansamantala ang kanilang Consular Office sa Ali Mall sa Quezon City dahil apat ang nagpositibo doon at lahat ng naka-duty ay naging close contact.

“Kami po ay humihingi ng paumanhin na talagang limitado ang aming abilidad na magserbisyo sa inyo. Humihingi kami ng pang-unawa,” sabi ni Dulay.

 

Source: DFA may dagdag kawani para sa passport backlog | ABS-CBN News

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker