Deployment ban sa Saudi Arabia tinitingnan matapos ang reklamo ng ilang OFW
MAYNILA— Pinag-aaralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng deployment ban ng mga overseas Filipino workers sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) matapos ang ilang reklamo ng mga Pinoy doon.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, libo-libong OFW pa ang hindi nakatatanggap ng kanilang mga claims sa mga hindi nabayarang sahod nang magtrabaho ang mga ito sa KSA.
Dagdag niya, may 11,000 OFW na mula sa Saudi ang nadiskubreng hindi pinapasahod ng tama ng kanilang mga employer sa loob ng 1 o 2 taon.
Kahit may naipanalo nang kaso ang mga ito, wala pa rin umanong nagiging kabayaran hanggang ngayon.
Sumulat na rin aniya si Pangulong Rodrigo Duterte sa hari ng KSA subalit wala pang magandang resulta.
“I will seriously consider recommending to the president a deployment ban in the Kingdom of Saudi Arabia,” sabi ni Bello.
Ayon pa sa kanya, hindi na sila magbibigay ng grace period para maibigay ang claims ng mga apektadong OFW.
Nauna nang sinuspende ng gobyerno ang deployment ng OFWs sa Saudi Arabia nitong Mayo dahil sa isyu ng gastusin sa health protocols at quarantine ng mga Pilipino doon.
Inalis naman ng DOLE ang order matapos makatanggap ng garantiya ang gobyerno na sasagutin na ng mga employer sa KSA ang pag-quarantine at pag-swab test pagkarating ng OFWs.
— Johnson Manabat, ABS-CBN News
Source: Deployment ban sa Saudi, tinitingnan ng DOLE | ABS-CBN News