Balikbayan Boxes, Madali Nang Maipapadala ng mga OFW sa Pagsuspinde ng BOC ng mga Rekisito

Magandang balita para sa mga overseas Filipino worker ang pagsuspinde ng Bureau of Customs sa maraming rekisito o hinihingi para makapagpadala ng balikbayan box sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas lalo na ngayong kapaskuhan.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing pansamantalang ipinatigl ang Customs Administrative Order 5-2016, o ang pagsusumite ng information sheet na may kompletong detalye ng OFW, listahan at halaga ng mga ipinapadala, kopya na passport ng OFW at ang resibo.

Ang OFW sa Dubai na si Jasmine Villegas na naging mahirap daw ang huli niyang pagpapadala ng balikbayan box sa mga kaanak sa Cagayan dahil naging abala para sa kaniya ang magbigay ng kopya ng passport, at ng detalyadong listahan ng kahon, ngayong Oktubre ay mas mabilis na raw ang proseso nito.

“Mas napabilis ‘yung process po, magandang balita po iyon para sa mga katulad nating OFW po,” aniya.

Saad naman ni Florante Ricarte, hepe ng MICP Bonds Division, “Nahihirapan maka-comply with the requirements ‘yung mga kababayan natin. Kaya siya nag-utos na i-suspend ang implementation at para makatulong, maiayos kung meron man ‘yung rules and regulations.”

Ayon sa ulat, tinatayang nasa 500,000 na mga balikbayan boxes ang ipinadadala ng mga OFW kada buwan, na dumodoble pa tuwing “ber” months hanggang pagsapit ng Pasko.

Mahigit kalahati o 60% ng mga OFW na nagpapadala ang nakabase sa Middle East kaya magandang balita rin ito para sa asosasyon ng mga forwarders. Bukod pa rito, marami rin umanong blue collar workers ang hindi nila hawak ang kanilang passport.

“Kung ang passport lamang ang valid na document na nagpapatunay na ikaw ay isang Pilipino at wala nang iba, napakahirap nito at mama-marginalize natin ang karamihan sa ating mga OFW na either wala sa kanila ‘yung passport o walang passport habang sila ay nasa ibang bansa,” sabi ni Atty. James Ian Dela Vega, General Counsel ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP).

Naintindihan daw ng ahensya ang hinaing ng OFWs kaya sinuspinde ang administrative order, at tinitingnan na rin nila ang puwedeng baguhin sa patakaran.

Mananatili naman na tatlong beses kada taon ang pagpapadala ng bawat OFW ng kahon na may maximum limit na P150,000 kada padala.

“Itong mga bagay na inilalaman ng balikbayan box ay simbolo ng sakripisyo ng ating mga kababayan sa ibang bansa. Pangalawa, ito ang manipestasyon ng kanilang pagmamahal at pagsuporta sa kanilang pamilya dito,” ayon pa kay Dela Vega. — Jamil Santos/FRJ, GMA News

 

(Source: GMAnetwork.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker