Ang Kahalagahan ng Maayos na Paggastos ng Remittances
Ating napag-usapan noong mga nakaraang linggo ang kahalagahan ng remittances sa ating ekonomiya at sa pagpapatatag sa kinabukasan ng ating bansa. Lalo na at ang forecast ay tataas pa sa mga darating na panahon ang over-all remittances na matatanggap ng bansa. Subalit kung mahalaga ang papel ng OFW remittances para sa ating bansa, mas lalo itong mahalaga sa mga OFWs mismo at sa kanilang mga pamilya dito na silang mga direct beneficiaries nitong remittances. At ang kahalagahan nito ay lalong ma-appreciate ng ating mga OFWs kung ang bawat pamilya ay may sinusunod na plano kung paano ito gagastusin.
Mahalaga itong pagplano kung paano at kung saan gagastusin ang tinatangggap na remittances sapagkat ang pagdaloy nito sa pamilya ay hindi naman panghabang panahon. Ang remittances ay darating habang ang OFW ay may trabaho at nagtatrabaho habang nasa ibang bansa. Subalit ito ay daglian namang hihinto pag-nawala ang trabaho o di na makapagtrabaho ang OFW. Pag ito ay nangyari, paano na? Paano na ang kinabukasan lalo na ng mga anak na nag-aaral at hindi pa tapos sa mga kinukuhang kurso?
Upang mapaghandaan ang mga ganitong pangyayari mahalaga na ang bawat OFW at ang kanyang pamilya ay may financial and expenditure plan sa pinapadalang remittance ng sa gayon ang bahagi nito ay mailaan din sa family savings for the future. Ang pagkakaroon ng substantial savings ay isang maayos na panangga sa kinabukasan lalo na kung may darating na mga problema na hindi inaasahan.
Ayon sa aking karanasan ang isang mahalagang aspeto ng pagplano kung saan at paano gagastusin ang remittances ay ang pagkakaroon ng maliwanag na listahan ng mga basic needs ng pamilya na dapat pagkagastusan. Katulad ng mga pang-araw-araw na pangangailangan sa bahay, ang pag-aaral ng mga bata at marahil ay kasama na rin ang pagpapaayos ng bahay o pagbili ng bahay na hulugan. Dapat ang mga ito ay ating inaalam isa-isa ng sa gayon tayo ay may maliwanag na larawan kung magkano ang ating ilalaan buwan-buwan bilang household expenses.
Hindi naman ito mahirap gawin kung atin lamang bigyan ng konting pansin. Halimbawa ang pagkain, posibleng ma-manage natin nang maayos ang paggastos dito kung ating pagtuunan ng pansin ang mga healthier foods katulad ng mga gulay at isda na mas mura kaysa sa karne araw-araw. At kailangan ba talaga na tayo ay lalabas linggo-linggo bilang pamilya upang kumain sa magagarbong mga restaurant o mamamasyal sa mga mall at kumain sa mga fast food chains.
Kung ito halimbawa ay ating ma-manage ng maayos, maliban sa hindi kalakihan ang ating gagastusin buwan-buwan sa pagkain posible pang mailayo natin sa pagkakasakit ang ating pamilya sa kinabukasan dulot ng pagkain ng sobrang matataba at mga processed foods na may mga chemicals at hindi mabuti sa kalusugan.
Ganoon din halimbawa sa pananamit. Imbes na ibili natin ang mga bata at tayo na rin ng mga signature items na napakamahal pwede naman siguro na mga ordinary brands na lang o kahit walang brand na clothing basta maayos. After all, ang personalidad na ating ipinapakita ay hindi naman nakadepende kung ang suot ba natin ay signature brands kundi kung ito ba ay disente at maayos. For that matter kailangan din ba natin ang bumili ng hulugang sasakyan na posibleng sa loob ng sampung buwan ay nakagarahe lamang at nagagamit lang pag-umuuwi si Mister na OFW?
Marami tayong mga simple at ordinaryong mga katanungan na dapat bigyang pansin sa paggawa ng financial and expenditure plan na sa ilan sa atin ay parang mabusisi at kakain ng ating panahon. Subalit ang mga kasagutan dito ay magbibigay sa atin ng tamang idea kung saan dapat at hindi dapat ibuhos ang remittances ng sa gayon tayo ay magkakaroon ng pagkakataon na makapaglaan ng malaki-laking bahagi ng remittances sa family savings.
Maliban sa paggawa ng financial and expenditure plan mayroon pa ring ibang paraan kung paano tayo makatipid sa mga pinagkagastusan para makalaan ng mas malaking halaga para sa ating forced savings program.
Halimbawa, mayroon tayong kaugalian na tuwing uuwi para magbakasyon tayo ay may bitbit na maraming pasalubong at regalo sa pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan. Maliban sa malaki ang ating ginagastos sa pagbili ng mga ito posibleng tayo ay mag-exceed sa baggage allowance sa eroplano at ito ay magiging additional expense pa natin. Subalit ang mga ito ba ay talagang kailangan katulad ng mga expensive toys para sa mga bata na matapos paglaruan ng wala pa sa kalahating araw ay sira na.
Ganoon din ang ating kaugalian na ipasyal ang pamilya sa mga tourist spots tuwing tayo ay magbabakasyon dito upang makipag-bonding sa mga bata subalit tayo naman ay gagastos ng sobrang malaki at halos uubos sa ating baong pera pag-uuwi dito. O di kaya ay ang magarbong mga selebrasyon katulad ng birthdays.
Naalala ko tuloy noong Sabado ay inihatid ko ang apo ko sa isang malaking Mall sa Pasay City upang mag-attend ito ng birthday party ng kanyang classmate. Bongga ang mga bata. Naka-gown kasama na rin ang apo ko. Iyon pala ay 7th birthday ng kanyang kaklase at kumpleto sa mga seven activities during the program. At aking napag-alaman ang daddy pala na bata ay OFW at maayos ang trabaho kaya ang budget sa birthday ng mahal na anak ay seventy thousand pesos. Talaga naman kung magmahal ang isang magulang na OFW sa nami-miss na mga anak- mahal ang gumastos.
Hindi ko sinasabi na mali o hindi maganda ang mga ganitong gawain. Tama lang ‘yan habang kaya natin. Subalit nais ko lang i-emphasize din ang kahalagahan ng tamang pag-gastos upang tayo naman ay magkakaroon din ng pagkakataon na makapag-ipon kahit papaano sapagkat hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa kinabukasan.
At ang isang mahalagang paraan upang makaipon ay ang pagkakaroon ng isang financial and family expenditure plan para sa remittances na ating natatanggap. At ang isang critical na punto dito lalo na sa pagdedesisyon kung ano ang pagkagastusan ay ang pag-alam ng kaibahan sa ating mga ”needs” o pangangailangan at sa ating mga ”wants” o kagustuhan.
Maaaring ang isang bagay ay gusto natin subalit hindi naman talaga kailangan natin. Kung ganoon baka pwede namang ipagpaliban na muna ang pagbili o pagsagawa ng gusto natin subalit hindi naman talaga kailangan. Sa pamamagitan ng ganitong pagtingin sa mga bagay-bagay posibleng mabawasan ang ating pinagkakagastusan sa araw-araw at ang pera ay ilagay na lamang sa family savings.
Ating pahalagahan ang tama at maayso na pag-gastos ng remittances.
(Pinagkunan: ABS-CBN news.com)