GABAY: Mga dapat malaman ng OFW na may labor claim sa Saudi Arabia
MANILA, Philippines – Matapos ang ilang taon mula noong nagsara ang construction companies sa Saudi Arabia, ipinangako ng Saudi Arabia na makukuha na ng nasa 10,000 na overseas Filipino workers (OFWs) ang kanilang mga sahod na hindi pa nababayaran.
Inanunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pangako ng Saudi Arabia noong Nobyembre 2022, pagkatapos magkita sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at si Saudi Crown Prince Mohammad bin Salman sa Asia-Pacific Economic Cooperations Summit sa Bangkok, Thailand.
”The Crown Prince, His Royal Highness, announced and said that this was his gift – he really prepared for this and this was an agreement reached by the Saudi government just a few days ago,” sabi ni Migrant Workers Secretary Susan Ople sa anunsiyo. (Ang Crown Prince ang nag-anunsiyo na regalo niya ito – talagang pinaghandaan niya ito, at napagkasunduan ito sa gobyerno ng Saudi nitong mga nakaraang araw lamang.)
Nagbabala rin ang DMW tungkol sa mga nagkukunwaring ”middleman” o tagaayos ng claims.
Noong Lunes, Enero 16, nagsimula nang maglabas ang DMW ng mga impormasyong dapat malaman ng mga claimants sa proseso ng pagtanggap ng mga sahod nila, simula sa mga nagtrabaho sa kumpanyang Saudi Oger.
Patuloy na ia-update ng Rappler ang pahinang ito habang lumalabas ang mga anunsiyo mula sa DMW.
Base sa video na inilabas ng DMW at ng platapormang Ehqaq, narito ang step-by-step process ng mga dapat gawin ng isang OFW na may labor claim:
Kung hindi pa nakakapag-submit ng claim dati ang OFW, magpadala ng email sa claims@saudiogerb.com upang ipaalam ang iyong claim.
Para sa mga nakapag-submit na ng claim noong nakaraan:
- Mag-register sa Ehqaq dito. Arabic ang pahina, ngunit may switch sa itaas upang isalin ang website sa Ingles.
- I-click ang ”Register new account” at ilagay ang mga impormasyong hinihingi.
- Pagkatapos magrehistro, mag-log in sa Ehqaq gamit ang username at password.
- Pagkatapos mag-log in, makikita ang form na dapat sagutan. Sagutan ang form at mag-attach ng mga hinihinging dokumento.
- Pagkatapos sagutan ang form:
- Kung ikaw ay isang Saudi citizen o mayroon kang active account sa plataporma ng gobyerno na Absher, i-enter din ang activation code number na ipadadala sa iyong mobile number na naka-link sa iyong ID number sa Absher.
- Kung hindi ka nakatira sa Saudi o wala kang active account sa Absher, kailangan mong mag-attach ng video na nagkukumpirma ng iyong pagkakakilanlan o identity, at isang litrato mo na may puting background. Kailangan din itong i-submit kasama ang isang activation code number na ipadadala sa mobile number na ginamit sa pagrehistro.
- I-submit ang aplikasyon.
Pagka-submit ng aplikasyon, maaari itong maaprubahan o matanggihan ng sistema agad kung may makitang isyu sa mga datos o mga dokumentong hiningi.
Maaaring umulit ang OFW sa aplikasyon kung sakaling tanggihan ito ng sistema.
Kung may katanungan, maaaring kumontak sa mga email na ito, ayon sa DMW:
- yousef-alswailem@saudiogerb.com (bigay ng Saudi ambassador)
- feedback@dmw.gov.ph
– with reports from Quianna Dizon/Rappler.com
Source: GABAY: Mga dapat malaman ng OFW na may labor claim sa Saudi Arabia (rappler.com)