DMW maglalabas ng whitelist at blacklist ng recruitment agencies
MANILA – Maglalabas ng whitelist at blacklist ng recruitment agencies ang Department of Migrant Workers (DMW) para mabigyan ng impormasyon at maprotektahan mula sa pang-aabuso ang Overseas Filipino Workers (OFWs) at lehitimong foreign employers.
Ayon kay DMW Secretary Susan “Toots” Ople, mas mahigpit na mga hakbang para sa proteksyon ng mga OFW, partikular na sa domestic workers ang kanilang isusulong.
Ang mga local at foreign recruitment agencies na patuloy na patas at etikal ang mga pamantayan at prinsipyo sa recruitment ay isasama sa whitelist ng recruitment agencies.
Samantala, ang agencies na may recruitment at labor violations o nasangkot sa pang-aabuso sa mga OFW ay isasama naman sa blacklist.
“Safeguarding the rights and welfare of our migrant workers is at the heart of the DMW’s programs, services, and agreements. We will always strive to do our best amid so many challenges in the world we live in,” sabi ni Ople.
Ilan sa mga hakbang na isusulong ng bagong tatag na kagawaran ay ang pagtiyak na rights-based ang paraan ng deployment ng OFWs.
Pagkakaroon ng performance review at assessment ng licensed recruitment agencies at foreign counterparts base sa kanilang deployment numbers at kapasidad na i-monitor ang kanilang welfare cases.
Bubusisiin din ang country-specific employment contracts. Dapat ito ay naaayon sa labor laws, migration policies at bilateral labor agreements ng ating bansa at ng labor-destination countries.
Kailangan ding panoorin ng bagong employers ang OFW rights at welfare video ng DMW bago pumirma ng employment contracts.
Magkakaroon din ng mas mahigpit na department guidelines para masiguro na qualified at fully-trained domestic workers lang ang maide-deploy sa ibang bansa.
Sisilipin din at maglilikha ang DMW ng bagong verification guidelines para sa mga Philippine Overseas Labor Office (POLO) para mapunan ang mga pagkukulang at mapalakas ang protection mechanisms para sa OFWs.
Pero aminado rin ang DMW na malaki ang problema sa human trafficking. Tinukoy ng DMW ang United Arab Emirates o UAE kung saan talamak umano ang recruitment ng human traffickers.
Nabibiktima nila ang ilan sa mga Pilipino at dinadala sa isang third-party country tulad ng Syria, Iraq, Lebanon, at ilang European countries tulad ng Poland, Hungary, at Romania.
Umaapela ang DMW sa mga OFW at mga nagbabalak pa lang na magtrabaho sa abroad na mag-ingat at huwag magpaloko sa human traffickers o illegal recruiters.
“We also appeal to our kababayans to be more discerning about such bogus offers, and to report illegal recruiters and human traffickers to the DMW,” panawagan ni Ople.
Para sa mga nagbabagang balita tungkol sa ating mga kababayan sa Gitnang Silangan, Europa at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
Source: DMW/ PNA