POEA nagbabala vs trabahong inaalok sa mga dating app
Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa mga nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga dating application.
Ayon kay POEA Administrator Bernardo Olalia, maraming overseas Filipino worker (OFW) ang nabibiktima ng naturang scam.
Kalimitan aniyang nire-refer ang isang naghahanap ng trabaho sa visa consultancy firm at pagbabayarin para maiproseso umano sa isang trabaho sa ibang bansa.
“Huwag po kayong papatol at sigurado po kayo magiging biktima na ng online scam using this dating application,” dagdag niya.
Dagdag ni Olalia’y mainam na maghanap na lang ng lehitimong trabaho sa website ng POEA.
Samantala, sinabi ni Olalia na tumataas na ang remittance ng mga OFW ngayong 2021 kasunod ng pagtaas ng pinapayagang deployment sa ibang bansa.
Sa ngayon, hindi bababa sa 30,000 OFWs kada buwan ang naipapadala sa land-based deployment sa ibang bansa habang 40,000 naman sa mga sea-based deployment, sabi ng opisyal.
Pagdating sa mga trabaho, mas maraming Pilipino aniya ang kinukuha para maging health care worker sa mga bansang tulad ng United Kingdom, Germany, Saudi Arabia, Qatar at Kuwait.