Panibagong Pagsasanay ng Card sa Pagpapalago ng Kita
Ni George Manalansan
Isinagawa ng Card Hong Kong Foundation ang ika-51 sesyon ng kanilang libreng pagtuturo ng “financial literacy,” o ang pamamaraan para mapangalagaan at mapalago ng mga migranteng manggagawa ang kanilang kinikita.
Ilan sa mga kasama na pagsasanay. |
Ang pagsasanay ay isinagawa noong ika-21 ng Oktubre sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town, at nilahukan ng 44 migrante.
Isa sa naging paksa ay ang pamumuhunan. Tinalakay at binusisisi ng nakatokang trainor ang mga dapat malaman ng isang gustong pumasok sa anumang klase ng pamumuhunan, gaya ng layunin, akmang panahon, kaalaman sa produkto, at mga kaakibat na panganib.
Ayon sa tagapagsanay, ang layunin sa pamumuhunan ay dapat klaro sa isang mamumuhunan sa simula pa lamang. Para saan ang perang ilalagak? Hanggang kailan ito nakalagak? Paano ito gumagana at kumikita? At anong peligro ang nakapaloob dito?
Ito ang mga katanungang dapat sagutin kaagad.
Nagbigay din ito ng isang halimbawa: kung ang pera ay para sa pang matrikula sa unibersidad ng anak, limang taon pa mula ngayon, dapat maging maingat ang mamumuhunan bilang panigurado. Dapat na ilagak ang pera sa pamumuhunan na mababa ang peligro ( low risk) gaya ng time deposit. Kahit mababa ang kita mula rito ay hindi naman mawawala ang puhunan dahil sagot ito ng bangko sa ilalim ng PDIC- Philippine Deposit Insurance Corporation.
Kung ang balak naman ay ilagak ang pera sa isang instrumento na may takdang panahon, hindi dapat masira ang termino para walang penalty o multa sakaling bawiin ito nang mas maaga sa napagkasunduan.
Bukod dito, dapat ding alamin ang lahat ng dapat malaman sa papasukang investment. Kung hindi masyadong sigurado, dapat ay sa low-risk o mababang peligro muna maglagak ng puhunan. Saka na mamuhunan sa mga mas kumplikado at high risk investment kapag mas naiintindihan na ang kaakibat nitong posibleng tubo at peligro.
Kung ang balak ay mamumuhunan sa stock market, dapat alamin kung gaano katatag ang kumpanya na paglalagakan ng pera. Isang halimbawa dito ang isang minahan sa Benguet na gumuho dahil sa bagyo. Sa isang iglap nagsara ang kumpanya at naburang lahat ang halaga ng shares dito. Ito ang tinatawag na “negative returns” o pagkalugi sa pamumuhunan.
Ipinunto ng trainor na maging maalam sa pamumuhunan para lumiit ang panganib ng pagkalugi, at mapalaki ang posibilidad na lumago ang puhunan, at gumanda ang kinabukasan.
Isa sa mga halimbawang ibinigay na mataas ng peligro ay ang paglalagak ng pera sa lupa at bahay. Ayon kay Cynthia Lopez, nadismaya siya ng husto nang hindi matupad ang pangako ng developer na kanyang kausap sa kanilang bayan sa Quezon na mapasakanya ang biniling townhouse sa takdang panahon.
Sabi niya, “usisain mabuti ang mga dokumento bago magbitaw ng pera sa developer”.
Inilahad naman ni Shiela Amina na siya ang napilitang magbayad sa loob ng isang taon ng inutang na pera ng kanya mismong kapatid na may asawa.
Nanghihinayang daw siya dahil noon lang siya natuto ng tamang paghawak ng kanyang kita. “Disin sana ay marami na akong ipon ngayon kung agad akong nakadalo sa ganitong pagsasanay” wika niya.
Ang susunod na pagsasanay ay sa taong 2019 na isasagawa. Ang mga gustong lumahok ay mangyari lang na hanapin at mag “like” sa Facebook page ng Card Hong Kong Foundation.
(Source: sunwebhk.com)