Nakababahala Kapag Umatras ang Isang Biktima
Ni Vir B. Lumicao
Sa limang pagkakataon sa nakaraang dalawang buwan ay may nagpatulong sa aming mga OFW dahil pinagmamalupitan sila ng kanilang mga amo o ng kapamilya ng mga ito.
Hangad naming mabigyan sila ng hustisya kaya inilapit namin sila sa mga kaukulang opisyal ng Konsulado na makatutulong upang ilaban ang kanilang mga karapatan at makakuha ng karampatang kabayaran sa perhuwisyong ginawa sa kanila.
Ngunit sa huling sandali ay isa-isa silang sumuko dala marahil ng takot sa ganti ng amo, nainip sa mabagal na proseso ng hustisya, o nabalisa sa katotohanang di sila puwedeng magtrabaho o maghanap ng bagong amo habang nakabinbin ang mga kaso nila.
Ang pinamasaklap na maaaring nangyari ay ang nakipag-areglo sila sa kanilang mga amo para iurong ang mga isinampang reklamo, o ang mas masama, ay bumalik sila sa panunungkulan sa mga amo.
Ang ganitong desisyon ay mahirap intindihin. Nakapagtataka dahil may malakas silang ebidensiya laban sa pananakit ng kanilang mga amo nguni’t naisipan pa rin nilang bumaligtad.
Magkakaiba ang mga dinanas ng mga maid na itatago namin ang mga tunay na pangalan. Ang una, si Beatrice, ay inilapit sa amin ng isang kaibigan dahil sinasaktan siya ng maliit na anak ng kanyang “amo”. Ngunit inamin niya nang makausap namin na hindi pala niya tunay na amo ang ina ng batang nanakit sa kanya.
Ayon kay Beatrice, ang lolang nakatira sa ibang bahay na may kalayuan sa tirahan ng ina ng bata sa Yuen Long ang siyang dapat pinaglilingkuran niya. Ngunit nang dumating siya sa Hong Kong noong nakaraang taon ay ipinasa siya ng matanda sa anak at doon na rin tumira ang Pilipina. Araw-araw ay pinaglingkuran niya ang matanda at ang anak, na siyang nagtatakda ng mga gawain niya sa maghapon.
Napuno siya nang baliin ng alagang bata ang kanyang hinlalato dahil inawat niya ito sa pakikipag-away sa nakababatang kapatid. Napasigaw at naiyak sa sakit si Beatrice ngunit siya pa ang pinag-initan umano ng ina ng bata at binantaang sisisantihin.
May usapan kami ni Beatrice na sasamahan siya sa Konsulado upang ireklamo ang mga amo ngunit nagbago ang isip nang takdang araw at hindi na raw magrireklamo dahil nagkaayos na sila ng ina ng bata. Di nagtagal ay nabalitaan naming na-terminate siya.
Iba naman ang kaso ni Josie, na halos araw-araw ay kinakagat ng asong alaga ng amo niya. Minsa’y ipinakita sa amin ang mga bagong kagat at mga pilat sa kanyang mga binti.
Nang sabihin niya na magpapatusok siya ng anti-rabies ay hindi siya pinayagan ng amo dahil may bakuna naman daw ang aso. Tinanggihan din siyang iniksiyunan ng pinuntahang ospital dahil naitawag na raw ng amo na may bakuna ang asong nangagat.
Pinayuhan naming magtungo sa Konsulado at sa Immigration si Josie upang ireport ang nangyayari sa kanya para payagan siyang mag-constructive termination, o yung umalis sa amo ng walang pasabi dahil sa pagmamaltrato sa kanyan, pero hindi siya nakinig. Pagkaraan ng dalawang buwan ay nabalitaan naming sinisante siya at pinauwi kaagad ng amo.
Si Lindy naman ay matagal nang nagrireklamo sa pagmamaltrato ng kanyang mga amo, kabilang na ang pagpapagawa sa kanya sa bahay ng amo at sa matanda nang ina nito.
May kasulatan pang pinapirmahan sa kanya ng amo na hindi siya puwedeng umalis sa trabaho hangga’t di natatapos ang kontrata niya.
Nang hindi nakatiis, nagsumbong siya sa Labour Department. Ipinaalam din siya sa Immigration na aalis na siya dahil sa mga paglabag ng amo sa kanilang kontrata.
Nang ipatawag ng Labour ang amo, hindi ito humarap, kaya iniakyat sa Labour Tribunal ang kaso. Hindi naman ito sinipot ang Pilipina. Kinalaunan ay sinabi ni Lindy na iuurong na niya ang kaso dahil nag-usap na raw sila ng amo at bumuti na raw ang trato sa kanya. Iyon pala’y nilansi lang siya at tinanggal dahil padating na ang kapalit niya.
Ang pinakanakakabahala ay ang pang-apat na kaso. Isang Pinay na ilang buwan pa lang sa Hong Kong ang binugbog isang gabi kamakailan ng isang napakayamang among lalaki. Humingi siya ng tulong dahil gusto na siyang dalhin sa airport ng amo at pauwiin noon din.
Pinayuhan naming tumawag kaagad sa 999, kaya sinundo siya ng mga pulis at pina medical, at pagkatapos ay kinunan ng pahayag sa presinto. Itinawag namin sa Konsulado ang kanyang kaso upang dalhin siya sa shelter, ngunit hindi siya dumating sa POLO sa itinakdang meeting nila ni Labor Attaché Jalilo dela Torre.
Iyon pala’y iniurong na raw niya ang kasong pananakit laban sa amo at babalik na ito sa bahay ng bumugbog sa kanya.
Pananakit din ang inireklamo sa pulisya ni Dolly laban sa kanyang among babae at malakas ang kanyang kaso dahil mga pulis mismo ang nagligtas sa kanya. Ngunit nang umabot na sa husgado ang mga kasong isinampa niya ay saka siya nagkipag-areglo. Mabuti na lang at binayaran siya.
Nalungkot at nainis kami sa pangyayaring ito. Pilit naming inuunawa ang dahilan nila sa pag-atras. Sa kabila nito, alam namin na ang ibubunga ng mga ganitong pagtalikod sa karapatan ay ang palakasin ang loob ng mga amo na saktan at pahirapan lalo ang kanilang mga katulong.
(Source: SunWebHK.com)