Paano mas Mapadadali ang Refund ng Airline Ticket

Isa si alyas ‘Marj’ sa mga nagrereklamo sa usaping refund sa airline ticket. Inaabot kasi ng siyam-siyam bago makarating sa kanya ang kanyang pera. 

December 2016 pa nakansela ang Cebu Pacific flight ni Marj at apat niyang kasama, pero mahigit apat na buwan pa ang nakalipas bago maibalik ang kanilang pera.

Binili umano nila Marj ang kanilang ticket sa isang travel agency.

Ilang ulit na siyang nag-follow-up sa Cebu Pacific pero sabi ng airline, nai-refund na nila ang halaga ng ticket.

Base sa records, nag-refund na ang Cebu Pacific noong Enero at Pebrero 2017 pero bumagsak ang pera sa travel agent na pinagbilhan niya ng ticket.

Paalala naman ng Civil Aeronautics Board, alamin lagi kung paano binayaran ang ticket.

” ‘Pag cash ‘yan madali na ‘yan kasi mayroong requirement na ibigay mo ‘yan kaagad-agad. Kung pinadaan ni passenger sa third party na ‘yon pagkabayad niya, ganoon din pabalik,” ani Atty. Wyrlou Samodio, head legal ng Civil Aeronautics Board.

Refund din ang hirit ni Juanito Ballesteros matapos ma-offload sa flight niya papuntang Middle East.

”Sabi ng Cebu Pacific nagfollow up ako noong December, mga February na naipasok na raw. Tumawag ako noong 24 ng refund, 25 naiforward na daw sa account nila,” sabi ni Ballesteros.

Ang problema pa ni Juanito, nakabase sa Dubai ang ka-transaksiyon niya.

Payo ng Cebu Pacific sa mga hindi direktang nagbu-book sa kanila, sa third party sila mag-follow-up dahil doon nila ibibigay ang refund.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 

(Source: ABS-CBN.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker