Batang Walang Tigil sa Pag-Iyak sa Pag-Alis ng Amang OFW, Kumusta Na?

Marami ang naantig sa video ng isang batang babae na walang-tigil sa pag-iyak dahil sa pag-alis ng kaniyang amang overseas Filipino worker.

Ang ganitong tagpo, malungkot na reyalidad sa pamilya ng mga Pilipinong nawawalay sa kanilang mga kaanak para maghanapbuhay sa ibang bansa at mabigyan ng mas magandang bukas ang kanilang mga mahal sa buhay.

 

 

Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA news “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang viral video na yumayakap at umiiyak ang limang-taong-gulang na si Ayn Perdido habang inihahatid ang papaalis na ama.

Napag-alaman na babalik na ang kaniyang ama sa Maldives kung saan nagtatrabaho itong bilang assistant manager sa isang restaurant.

Gaya ng kaniyang ama, isa ring OFW ang ina ni Ayn na si Icar pero nagpasya raw ang mag-asawa na manatili na lang sa bansa ang ginang para mabantayan ang lumalaki na nilang dalawang anak.

Ang ama ni Ayn ay isa lamang sa tinatayang 2.4 milyong OFWs na tinitiis na malayo sa kanilang pamilya para mabigyan sila ng mas magandang buhay.

Noong nakaraang taon, nasa $28 bilyon ang remittances o naipadalang pera ng mga OFW sa kanilang mga pamilya sa bansa.

At sa kabila ng materyal na pakinabang sa kanilang pag-alis, may kapalit daw ito na mahirap na umanong mabawi o maibalik.

“This is one of the social cost of labor migration, isa na dito yung deprivation of the kid ng presence ng kaniyang… in this case father. They become strangers to one another and that is very deplorable,” ayon kay Dr. Virgel C. Binghay, sociologist, UP Solair.

Bagaman nalulungkot, mabuti na raw ang lagay ni Ayn at ng kapatid buhat nang umalis ang ama, ayon kay Icar.

Malaking tulong daw ang modernong teknolohiya sa komunikasyon para laging nakapag-uusap ang mag-ama.

“Kahit malayo na yung daddy niya, consistent yung ano namin video chat, video call. Palagi siyang tumatawag dito sa amin parang andito lang,” ayon sa ginang.

Pero umaasa pa rin si Icar na darating ang panahon hindi na kailangang magkahiwalay ang pamilya para sa mas masagang buhay. — FRJ, GMA News

 

(Source: GMAnetwork.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker