Pinay sa Hong Kong Patay Nang Mahulog sa ika-49 Palapag na Building

By  Bombo Koronadal

KORONADAL CITY- Binawian ng buhay ang isang Pinay domestic helper matapos itong mahulog sa isang building habang naglilinis umano ng bintana sa Hong Kong.

Sa nakuhang impormasyon ni Bombo correspondent Boyet Forro, kinilala ang Pinay DH na si Sophia Rhiane Dulloug, 35, single mother at may 10-anyos na anak na lalaki at residente ng Isabela.

Ayon sa impormasyon, isang residente mula sa Phase III ng Lohas Park sa Tseung Kwan ang tumawag sa mga otoridad dakong alas-8:47 ng umaga matapos nilang makitang may nahulog na tao mula sa kanilang building.

Agad namang rumesponde ang mga otoridad sa pinangyarihan ngunit tumambad sa kanila ang duguang katawan ng Pinay at idineklarang patay na ito.

Lumalabas pa sa imbestigasyon, may mga nakitang panglinis tulad ng basahan, cleaning agent at timba ng tubig malapit sa bintana ng balkonahe sa ika-49 palapag ng gusali kung saan sinasabing nahulog ang naturang OFW.

Sa naging pahayag ng mga imbestigador, posible umanong napasandal sa railing si Dulluog at nawalan ng balanse kaya ito aksidenteng nahulog.

Dagdag pa ng mga ito, mag-isa lamang daw ang Pinay noong mangyari ang insidente kaya wala silang nakikitang anggulo ng foul play.

Paalala naman ni Hong Kong Domestic Workers General Union Vice President Bo Lai-wan, hindi na kailangang piliting linisin ang parte ng bintanang hindi na naabot ng braso.

At lalong hindi rin daw dapat na gumamit ng upuan o sumampa sa railings para lamang linisin ang mahihirap at hindi na maabot na parte ng bintana dahil delikado at hindi na gawain ito ng mga household worker.

Humihingi naman ng tulong ang pamilya ng pinay sa Hongkong Consulate sa pagpapauwi ng bangkay sa Pilipinas.

Sa ngayon patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring insidente.

 

(Source: BomboRadyo.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker