Mga Asawa ng Ilang OFWs na Naghihirap sa KSA, Humihingi ng Tulong

Nagmamakaawa na sa gobyerno ang ilang misis ng mga stranded na overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia na tulungan ang kanilang mga asawa. Ang ilan daw sa mga nagigipit na OFW, nagtatangka na raw magpatiwakal.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA news “Saksi” nitong Martes, umiiyak na humingi ng tulong ang mga misis ng mga stranded OFW sa Saudi Arabia nang dumalo sila sa pagdinig na ginawa sa Kamara de Representantes.

Ang ginang na si Edna Medina, sinabing walang paraan ang kaniyang mister sa KSA na makipag-ugnayan sa kanila at walang perang pambili ng gamot sa sakit nito.

Habang umiiyak na ikinukuwento ni Medina ang kalagayan ng kaniyang mister, tahimik na nagpupunas ng luha iba pang misis ng mga OFW na dumadanas din ng paghihirap sa KSA.

Tinatayang nasa 11,000 Pilipino ang nawalan ng trabaho sa KSA dahil sa pagbagsak ng presyo ng langis.

Ang ibang Pinoy na nais nang umuwi ng Pilipinas, hindi makaalis ng KSA dahil sa kawalan ng exit visa at walang pamasahe.

Marami rin ang naghihintay na mabayaran ng kanilang back pay o makakuha ng anumang benepisyo.

Kamakailan lang, nakunan ang kalunos-lunos na sitwasyon ng ilang OFW sa KSA na namumulot ng pagkain sa basurahan.

Si Brian Manlutac, dating head engineer sa isang kompanya sa KSA, mapalad na nakauwi ng bansa matapos padalhan siya ng kaniyang asawa ng ticket sa eroplano.

Pero hindi pa niya nakukuha sa kompanya ang limang buwang sahod at iba pang benepisyong umaabot ng P820,000.

“Kung hindi po ako nakauwi, malamang kasama na rin ako sa mga nagkakalkal ng basura dun, nagsa-sideline, naglilinis ng mga toilet sa mga bahay-bahay roon para lang may makain sila,” ayon kay Manlutac.

May mga OFW na rin daw na nagtatangkang magpakamatay dahil sa kanilang kalagayan at depresyon.

“Mayroon pong naglaslas ng leeg, naglaslas ng pulso,” saad ni Undersecretary Vilma Cabrera, ng DSWD.

Dagdag naman ni ACTS-OFW party-list Rep. John Bertiz, “Mayroon pong nagbigti na isang welder na empleyado rin po ng isang kumpanyang nagsara dahil hindi na makapagtapos ang kanyang anak at sa sobrang frustration.

Mayroon dapat na matatanggap na P20,000 na financial assistance sa bawat apektadong OFW at P6,000 kada pamilya.

Ang Overseas Workers Welfare Administration OWWA, naglabas ng mahigit P58 million na tulong para sa halos 4,000 OFWs at kanilang pamilya.

Gayunman, may mga hindi pa raw nabibigyan ng naturang ayuda.

“Pati po yung P20,000, hindi pa nila natatanggap. Bakit po ganun? Kahit man lang sana makabili sila ng pagkain nila,” pakiusap ni Gng Medina.

Nangako naman ang mga kinauukulang ahensiya na pamahalaan na patuloy na gagawa ng paraan upang matulungan ang mga nagigipit na OFWs.

Tutulong din umano ang Philippine Overseas Employment Agency na hanapan ng ibang trabaho ang mga apektadong OFWs.

Pangungunahan naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, delegasyon na magtutungo sa Saudi Arabia sa susunod na linggo para tulungan ang mga stranded na OFWs. — FRJ, GMA News

 

(Source: GMAnetwork.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker