Pagbubukas Daw ng mga Balota sa Overseas Absentee Voting sa Paris, Itinanggi ng Comelec
Nagrereklamo ang ilang overseas absentee voter sa Paris, France dahil sa pagbubukas umano ng postal election ballot kahit hindi pa ang tamang panahon.
Sa ulat ng GMA News TV’s Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing nakasaad sa umiikot na post sa social media na ilang OFW sa Paris ang nagsumbong na binuksan na raw ang ilan sa mga postal ballot.
Reklamo pa nila sa post, hindi raw inilagay sa selyadong lalagyan ng Commission on Election o Comelec box ang mga balota.
Gayunman, pinabulaanan naman ng Comelec ang naturang post at iginiit na walang envelope na binuksan sa Paris.
Sinabi pa ni Consul General Aileen Mendiola-Rau, na sinusunod nila ang mga panuntunan ng Comelec sa overseas absentee voting.
Ayon sa Comelec, sa May 9 pa dapat buksan ang mga envelope na kasabay ng halalan sa Pilipinas. — FRJ, GMA News
(Source: GMAnetwork.com)