90-Anyos na Ina, Sinorpresa at Hinarana ng Tatlo Niyang Anak na Nagmula pa sa Amerika

Walang pagsidlan ng kaligayahan si Nanay Socorro nang sorpresahin siya ng tatlong Anak na sina Charles, Steve at Edward na bumisita dito sa Pilipinas mula pa sa Amerika.

Para sa isang ina, wala nang hihigit sa sayang idinudulot nang makitang sama-sama ang kaniyang mga anak. Lalong-lalo na nga kung ang ina, nasa dapithapon na ng kaniyang buhay at paminsan-minsan na lamang masilayan at makasama ang mga anak na may kani-kaniya nang mga buhay.

Ganito marahil ang naramdaman ng 90-anyos na si Socorro Mella Granadosin. May anim na anak na si Nanay Socorro, pero lahat sila ay may sarili nang pamilya at kabuhayan sa Amerika. Bagama’t nakikita niya ang mga ito paisa-isa, huli niyang nakasama nang buo ang lahat ng anim na anak halos 15 taon na ang nakalilipas.

“Ang namimiss ko sa kanila, ‘yung yakap nila, ‘yung halik nila sa akin, at ‘yung mga apo ko na halos dito rin ipinanganak, bago sila napunta sa America. Miss na miss ko sila,” sabi pa ni Nanay Socorro.

Pero hindi niya alam na may sorpresa palang naghihintay sa kaniya. Dahil tatlo sa kaniyang mga anak, umuwi pa mula sa Amerika para lamang siya’y dalawin at alayan ng isang awit.

Viral nito lamang nakaraang linggo ang Facebook post ng anak niyang si Edward Granadosin, kung saan kitang-kita na tila walang mapagsidlan ng tuwa ang kanilang ina nang makita silang magkakapatid.

Nakaaantig na sorpresa

Kitang-kita sa viral video na bagama’t hirap sa paghakbang si Nanay Socorro, nakalakad ito dahil sa sobrang tuwa at excitement nang makita at marinig ang tatlong anak. Ilang beses din siyang napatili at napasigaw, tanda lamang ng kaniyang sobrang pangungulila.

At habang yakap-yakap ang tatlong anak na siya’y hinaharana, sumabay na rin sa pag-awit si Nanay Socorro.

2016-0405 90-Anyos na Ina, Sinorpresa at Hinarana ng Tatlo Niyang Anak na Nagmula pa sa Amerika2

Napagdesisyunan daw ng magkakapatid na sabay-sabay bumisita sa kanilang ina, dahil matagal na raw nitong hiling na muli silang makita lahat.

Ayon kay Charles, hindi madali ang buhay sa Amerika kaya hirap ang magkakapatid na makauwi para dalawin ang ina. Pero nagdesisyon sila na bigyan ng sorpresa ang ina dahil nagkakaedad na ito.

“Everytime na nag-uusap kami sinasabi niya, ‘Sana naman umuwi kayo sa birthday ko.’ Parati ang sagot ko sa kanya, ‘Bahala na si Lord,’ sabi ko sa kanya. Nu’ng nag-90th siya last year, umuwi ‘yung dalawang brother ko. Tapos, sabi ko sa sarili ko, I think it’s about time na umuwi kami, and also mag-take turns kami sa pag-uwi,” kuwento pa ni Charles.

“Alam ko na may darating pero hindi ko alam na sila kasi may kapatid din ako sa America, sa Canada. Pero hindi ko inisip na sila ‘yun dahil kausap ko lang si Charles, two days ago back before they came in,” paglalahad ni Nanay Socorro.

Pinagbuklod ng pananampalataya at musika

Buhay na kung ituring ni Nanay Socorro ang musika. Bata pa lang daw kasi, kinakitaan na siya ng husay sa pag-awit. Ang kaniya namang mga magulang, mga pastor.

Mula sa Sorsogon kung saan siya lumaki, lumuwas siya sa Maynila kung saan nabigyan siya ng scholarship para mag-aral ng musika sa isang theological seminary.

At dito nga sa lungsod, nakilala niya ang kaniya palang magiging mister na si Tatay Paul. Hindi man daw romantiko ang kanilang pagkikita, hindi naman na raw sila pinaghiwalay ng tadhana.

“Inisip namin na bago kami mag-graduate, ikasal na kami para hindi na kami magkahiwalay. Kasi, ‘pag nagkahiwalay pa kami, uuwi ako sa Bicol, uuwi naman siya sa Tarlac, hindi ko na siya makita, hindi naman niya ako makita. So, we decided to get married before graduation,” pagkukuwento ni Nanay Socorro.

2016-0405 90-Anyos na Ina, Sinorpresa at Hinarana ng Tatlo Niyang Anak na Nagmula pa sa Amerika3

Musika at pananampalataya – ang mga iyan ang nagbubuklod sa pamilya Granadosin mula pa man noong nagsimula ang kanilang pamilya.

Hindi naglaon, nabiyayaan ang mag-asawa ng anim na anak. Si Tatay Paul, naging pastor at nagsilbi pang Obispo ng United Methodist Church sa Baguio. Habang si Nanay Socorro naman nagtuloy-tuloy ang pagiging mang-aawit.

At kung mayroon man daw naging pinakamahalagang pamana raw ang choir master na si Nanay Socorro sa kanyang mga anak, ito ay ang pagmamahal sa musika.

“Nakuha namin lahat nung talent namin in singing sa aming mother. Ang father namin, preacher.  Naging tradition nilang mag-asawa na before my father gives his sermon, kakanta muna si mama. Nakita namin ang mama namin how she sings, kaya lahat kami na-inspire din kumanta ,” kuwento ni Leviticus.

At ang forte ng Granadosin brothers sa pagkanta… mga kundiman at mga awiting pang simbahan!

Sari-sariling pamilya

Taong 1995, naaprubahan ang petisyon ng magkakapatid na Granadosin na maging American citizens. At sa kanilang pag-migrate sa America, nagkaroon na sila ng kani-kaniyang trabaho at pamilya.

Ang isa sa magkakapatid, si Steve, naging ordained minister sa Illinois. Ang bunso namang si Edward, sumunod sa yapak ng ama at ngayo’y pastor na sa Nevada.

Taong 2002, isang trahedya ang muling nagpabuklod sa kanilang pamilya. Pumanaw ang kanilang Tatay Paul matapos ma-heart attack. At ito na raw ang huling pagkakataon na nakita ni Nanay Socorro na kumpleto ang kanyang mga anak

Nang muling bumalik sa Amerika ang mga anak, sinubukan daw nilang i-petisyon ang kanilang ina. Pero si Nanay Socorro raw mismo, tinanggihan na ito

“Gusto ko na lang dito sa Pilipinas, kasi matanda na ako. Siyempre, ayoko naman na magwo-worry sila sa pag-alaga sa akin, di ba? Kasi pag dun ka sa America, mahirap mag-isa. Dito, may nag-aalaga sa akin. If they want, I can go and visit them. If they want, they can come and visit,” madamdaming kuwento ni Nanay Socorro.

2016-0405 90-Anyos na Ina, Sinorpresa at Hinarana ng Tatlo Niyang Anak na Nagmula pa sa Amerika4

Ngayong bakasyon, dapat samantalahin ang panahon upang muling makasama at makapiling ang ating mga pamilya.

Sa ngayon, ginugugol ni Nanay Socorro ang kanyang oras sa pagtuturo ng mga awit sa simbahan.

“Sabi ko sa Panginoon, hanggang may lakas ako, tutulong ako Sa’yo, maglilingkod ako Sa’yo. ‘Yun ang buhay ko ngayon. Pero siyempre, malungkot din ako kung minsan, kasi ang mga anak ko wala sa akin,” kuwento ni Nanay Socorro.

Sa gitna ng kalungkutan, larawan ng kaniyang pamilya ang tanging sumpungan ni Nanay Socorro. Ang kaniyang tahanan, pinuno raw niya ng litrato para lamang may alaala siya ng kaniyang mga anak.

Bagama’t pinipilit niyang matutong gumamit ng mga gadget para magkaroon ng komunikasyon sa mga anak at apo abroad, hindi na raw ito madali para sa kaniyang edad. Para kay Nanay Socorro, iba pa rin ang makita at mayakap nang personal ang mga anak.

“Masaya ka kasi nakita mo sila na mabuti silaPero iba yung nayayakap mo, nahahalikan mo,” sabi pa ni Nanay Socorro.

Hindi na bumabata ang ating mga magulang. At kadalasan, naghahanap sila ng kalinga at pagmamahal ng kanilang mga anak.

Kaya para sa mga nasa ibang bayan o yung mga matatagal nang hindi nakakauwi sa mga magulang nila sa probinsya, samantalahin ngayon ang bakasyon para muli silang mabisita at makasama.

Dahil ang pinakamagandang sorpresa para sa kanila ang marinig ang ating mga tinig habang niyayakap tayo nang pagkahigpit-higpit! — CARLO P. ISLA/BMS, Public Affairs

Mapanonood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa FacebookTwitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.

 

(Source: GMAnetwork.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker