Mag-ingat sa Text Scam na Ginagamit ang Kapuso Milyonaryo Promo
Pinag-iingat ang publiko laban sa text scam at ginagamit ang Kapuso Milyonaryo Promo, pati ang pangalan ni “Wowowin” host Willie Revillame at ng isang executive ng GMA Network.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing hindi dapat maniwala kapag nakatanggap ng mensahe o text message na nanalo kayo sa nabanggit na promo ng GMA.
Sinabi sa ulat na batay sa nakalap na impormasyon ng GMA News, may nagpapadala ng text scam na nagsasabing nanalo ng mahigit kalahating milyong piso ang pinadalhan ng mensahe.
Bukod sa promo na Kapuso Milyonaryo, ginagamit din ng manloloko ang pangalan ni Willie at maging si GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon.
Saad sa mapanlinlang na text, makukuha ang premyo kapag nag-text o tumawag sa isang numero.
Mariing nilinaw sa ulat na hindi nagmula sa Kapuso Network at sa mga nabanggit na personalidad ang naturang klase ng text message na isang scam.
Bukod dito, wala pang bagong season na inilulunsad ang Kapuso Milyonaryo. At hindi sa naturang paraan ng text inaabisuhan ang nanalo sa nasabing promo. — FRJ, GMA News