Ina, Anak, Eroplano: Ang Sakripisyo ng Mahal kong Nanay
Ano nga ba ang pakiramdam ng mga OFW na nalalayo sa kanilang pamilya? Alam ba talaga natin ang pinagdadaanan nila lalo na ng mga ina na tinitiis mawalay sa kanilang pamilya kapag sila’y nangingibang bansa?
Bata pa lang kami nasanay na kaming nangingibang bansa ang aming mga magulang.
Lima kaming magkakapatid kaya naman doble-kayod talaga ang mga magulang namin sa pagtatrabaho.
At dahil mahirap ang buhay, habang sila ay nasa abroad, kami ay iniwan muna ng aming mga magulang sa pangangalaga ng aming mga tiyahin na matiyagang nag-alaga sa amin habang wala sila nanay at tatay.
Noong panahon na iyon, lahat kaming magkakapatid ay pinag-aral nila sa private schools dahil tiwala silang mas matututukan kami roon.
Madalas sa telepono lang namin nakakausap ang aming nanay na labinlimang taon ding nagtrabaho bilang receptionist at telephone operator sa isang malaking kumpanya sa Dubai.
Sa loob ng labinlimang taon, umuuwi rin naman paminsan-minsan ang aking nanay, at sa minsang iyon, nararanasan kong mayakap siya, marinig ang boses niya tuwing umaga at mapaghandaan ng pagkain sa aking lunchbox.
Ang mga pagkakataong ito ang palagi kong hinihintay sa tuwing uuwi sila ng bansa.
Sa murang isipan, sinanay kami ng aming mga magulang na maging matatag, disiplinado, maunawain lalo’t wala sila sa aming tabi.
May pagkakataong iniyakan ko ang cross-stitching project ko noong grade 6, hindi dahil natusok ako ng karayom, kung hindi naisip kong kung nasa tabi ko si nanay, baka mas madali ko iyong natapos.
Naaalala ko pa noon tuwing makakakita kami ng eroplano ng aking mga kapatid, ituturo namin ito, kakaway kami at sabay sabing, “Andiyan na si Nanay! may dalang tinapay!”
Sa mga pagkakataong ito marahil pinapasaya lamang ng isang bata ang kaniyang sarili at pinipilit intindihin ang sitwasyon, sa pag-asang makikita rin niyang muli ang kaniyang ina at magiging masaya ulit kahit panandalian lang.
Nagkasakit ang aming tatay kaya’t kinailangan niyang umuwi ng bansa at humalili bilang ilaw ng tahanan para sa amin na masasabi kong nagampanan naman niya ng mahusay.
Noong nasa kolehiyo na ako, mas naiintindihan ko na ang sakripisyo ng aking nanay.
Sa bawat project namin sa eskwelahan, agad niya akong pinadadalhan ng pera — walang tanong-tanong dahil tiwala siyang ginagamit ko naman ito sa pag-aaral.
Nagtapos ako nang may honor kaya naman may pribilehiyo ang mga magulang na umakyat sa stage para isabit ang medalya.
Pag-uwi namin ng bahay, si nanay agad ang aming tinawagan.
Sa boses pa lang niya noon, alam kong kung makakapasok lamang siya sa telepono ay gagawin niya ito makasama lang namin siya sa masayang okasyon.
Alam kong pinipilit lang niyang huwag umuwi para sa halip na gumastos siya sa kaniyang pamasahe, ipadadala na lang niya sa amin ang pera.
Ganito niya kami kamahal.
Kapag napapanood ko nga ang pelikulang “Anak” na pinagbidahan ng beteranang aktres na si Vilma Santos at Claudine Barreto, hindi ko maiwasang maka-relate sa kanilang pinagdaanan.
Hindi ako naging pasaway tulad ng karakter ni Claudine sa pelikula pero alam kong iyon ang naramdaman ng aking ina na nawalay sa amin ng matagal.
Ang kumurot pa sa aking puso ay ang linya ni Vilma Santos sa kaniyang anak na pariwara: “Sana tuwing umiinom ka ng alak…habang hinihitit mo ang sigarilyo mo at habang nilulustay mo ang perang pinapadala ko! Sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para lang makapagpadala ako ng malaking pera rito. Sana habang nakahiga ka diyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon akong natulog mag-isa nabang nangungulila ako sa yakap ng mga mahal ko.”
Alam ko na kung maibabalik lang niya ang panahon, mas pipiliin niyang makasama kami at dito na lang magtrabaho sa Pilipinas para mabawi ang mga pagkakataong nawala na kasama kami.
Totoong ilaw ng tahanan ang ating mga ina, dahil kahit malayo pa sila, ang sinag ng kanilang pagmamahal ay walang kinikilalang distansya at panahon.
Ang mga paghihirap nila sa malayong lugar ay hindi dapat maging dahilan para mawala sa tamang landas ang kanilang mga anak.
Malaki ang utang na loob ko sa aking ina, na kahit kailan, alam kong hindi ko mababayaran sa kaniya.
Ngayong nandito na siya sa Pilipinas, masayang nakakapiling na namin siyang lagi.
Hindi na rin namin kailangang magtawagan para kumustahin ang isa’t isa at hindi ko na rin kailangang kumaway sa mga eroplanong dumaraan.
Alam kong marami pa kaming pagsasamahan at nagpapasalamat ako sa Diyos na nakakabawi na kami sa mga pagkakataong nagkahiwa-hiwalay kami sa mahabang panahon.
Alam kong maraming anak ngayon na gaya ko noon– naghihintay sa pagbabalik at gabay ng kanilang mga ina na nangibang-bansa rin para may ipantustos sa pamilya.
Hindi hadlang ang distansya para mapalayo tayo sa gabay ng ating mga ina.
Para sa aking ina, handog ko sa kaniya ang bawat tagumpay na mararating ko sa tulong ng Panginoong Hesukristo.
Handog ko rin sa kaniya ang artikulo na ito. Hindi ko man araw-araw masabi sa kaniya kung gaano ko siya kamahal at ipinagpapasalamat sa Diyos, alam kong alam niya ang nasa puso ko.
Isang pagpupugay sa aking inang si Benilda Ann Aquino at sa lahat ng mga Ina!