Nag-for Good na Pagkatapos ng 18 Taon Bilang OFW
Ni Marites Palma
Isang madamdamin ngunit masayang pagtitipon ang isinagawa sa Admiralty rooftop noong Abr 16 bilang pamamaalam para sa isa sa mga kilalang lider ng komunidad na si Rizalina Balaque.
Si Balaque na presidente ng Regional Overseas Workers Filipino Society (RowFils) ay nakatakdang umuwi sa Hunyo nitong taon, pagkatapos ng 18 taong paninilbihan bilang kasambahay dito sa Hong Kong.
Dinaluhan ang pasinaya ng ilang lider ng komunidad, kasama ang kanilang mga “nanay” na sina Rosabelle Woolf ng AFreight, Merlinda Mercado ng Metrobank, at Katherine de Guzman ng PNB, na nagbigay aliw sa mga manonood sa pamamagitan ng pagpapakitang gilas sa pagsasayaw.
Nakisaya din sina Labor Attache Jalilo dela Torre at ang kanyang deputy na si Henry P. Tianero.
Maraming inihandang pagkain ng mga nagtatag ng pagdiriwang, na nataon sa Araw ng Pagkabuhay, kaya lalong naging makabuluhan ang selebrasyon.
Namigay ng easter eggs si Balaque bilang pasasalamat sa lahat ng nagpakita ng pagmamahal at pagkilala sa mga nagawa niya bilang lider.
Sa 18 taong pananatili niya sa Hong Kong ay naitaguyod niya at napagtapos ng pag-aaral ang kanyang tatlong anak sa kabila ng pagiging solong magulang. Bilang ganti sa ginawa niyang sakripisyo ay pinapauwi na siya ng mga anak upang ipalasap sa kanya ang bunga ng kanyang pagtitiis para sa ikakaganda ng buhay ng kanilang pamilya.
Ayon kay Balaque excited na siyang magbalik-bansa dahil uuwi din ang mga anak na nasa ibang bansa bilang mga skilled worker upang ipagdiwang ang kanyang ika-50 taong kaarawan.
Higit sa lahat, nagpapasalamat daw siya na malakas pa siya at malusog sa kanyang pag-uwi. Matatamasa pa raw niya ang sarap ng pagiging ina niya sa mga anak, at lola sa kanyang mga apo.
Nakaipon na din daw siya ng pera na maari niyang gamitin para sa negosyo, at may insurance na makakatulong sa kanyang pagtanda.
Ang mga lider na nanguna sa selebrasyon ay sina Leo Selomenio ng Global Alliance, Marites Nuval at Liza Mantilla ng Bangar Association HK, Mercy Moncayo ng DomoHK, Raquel dela Cruz ng Mola HK, Audrey Regonil ng Kapuso, TJ Asers ng Feelers, at Marie Carnate ng Rowfils.
(Source: SunWebHK.com)